BOMBO DAGUPAN – Nagkaroon ng insidente ng pananaksak sa bayan ng Dasol na nag-ugat sa hinihinilang alitan sa pagitan ng dalawang lalaki.
Ayon kay PCAPT. Simeon Dela Cruz COP, Dasol PNP ang biktima at suspek ay pawang nakipag-inuman kung saan pagkatapos ng inuman ay pumasyal sa bahay ng kanyang lolo ang biktima at doon sila nagkita ng suspek.
Aniya na kinompronta ng suspek ang biktima na matagal na niya itong pinagpapasensiyahan dahil nagkaroon sila ng konting alitan.
Matapos nito ay bumunot ng patalim ang suspek at bigla na lamang sinaksak ang biktima.
Kinilala ang biktima na si Joel Quibral Dela Cruz, 44 taong gulang, may asawa, mangingisda, at residente ng Brgy. Osmena sa nasabing bayan habang ang suspek naman ay kinilalang si Remegio Bersales, 40 taong gulang, binata, at residente ng parehong lugar.
Kaugnay nito ay napag-alaman din na magkasama sa iisang bahay ang dalawa at ani Dela Cruz na mayroon siguro silang hindi pagkakaunawaan kaya noong nakainom ang suspek ay doon niya ibinuhos ang kaniyang galit.
Agad namang tumakas ang suspek matapos ng pananaksak subalit napag-alaman din na nasa barangay na ito at nais makipag-usap sa biktima.
Samantala, agad namang isinugod ng mga rumespondeng tauhan ang biktima sa Dasol Community Hospital at kalaunan ay inilipat sa Region 1 Medical Center, Dagupan City, Pangasinan para sa agarang atensyong medikal.
Sa kasalukuyan ay nagpapagaling na ito at nasa mabuti ng kalagayan.
Panawagan naman ni Dela Cruz na kung may problema ay huwag magpadalos-dalos at huwag magpapadala sa init ng ulo kung mayroon mang hindi pagkakaunawaan ay idulog na lamang ito sa kanilang barangay o di naman kaya ay lumapit na lamang sa kanilang himpilan para mabigyan ng solusyon ang anumang problema at hindi humantong sa ganitong pangyayari.