Dagupan City – Ibinida ang mga orihinal na produktong gawa ng mga mananaliksik sa lalawigan ng Pangasinan kasabay ng pagbubukas ng Aliguas Technology Business Incubator sa Pangasinan State University (PSU) Bayambang Campus.

Tampok dito ang inobatibong lumpia wrapper na gawa sa kalabasa at malunggay, isang masustansiya at low-calorie na alternatibo para sa mga bata at para sa mga pamilyang naghahangad ng mas malusog na pagkain.

Ayon kina Mark Harley V. Bristol, Jobel B. Rosales, at Dr. Jocelyn S. De Vera, mga researcher at instructor ng PSU Alaminos City Campus, nagsimula ang ideya matapos dumalo sa isang seminar ng DOST-PSU na naghimok ng paglikha ng sustainable na produkto na kapaki-pakinabang sa tao at sa kalikasan.

--Ads--

Mula rito ay nabuo ang konsepto ng healthier lumpia wrapper na hindi lamang tutugon sa malnutrisyon ng kabataan kundi makatutulong din sa mga lokal na magsasaka sa pamamagitan ng paggamit sa mga gulay na kadalasang hindi naibebenta at nasasayang.

Kaya bahagi rin ng kanilang adhikain ang pakikipag-ugnayan sa mga magsasaka upang maging tuluy-tuloy ang suplay at benepisyo sa komunidad.

Layunin din ng kanilang proyekto na hikayatin ang “clean eating” at gawing mas kaakit-akit sa mga bata ang pagkain ng gulay sa pamamagitan ng vegetable dumpling concept.

Ibinahagi ng grupo na marami pa silang produktong nakalinya para sa susunod na taon at kasalukuyang inihahanda para sa posibleng pagpapalawak ng kanilang pananaliksik.

Nagpapasalamat din sila sa DOST na nagbigay sa kanila ng pagkakataong maipakilala ang kanilang produkto, matutuhan kung paano ito imarket, at mapalawak ang abot nito, na mga aspetong anila’y hindi kayang tugunan ng research lamang.

Pinanghahawakan naman nila na ang takot sa pagkabigo ay natural na bahagi ng pananaliksik at hindi dapat maging hadlang sa pagbuo ng mga makabagong ideya para sa kapakinabangan ng komunidad.