Nagdeklara ang Albay Provincial Health Office (APHO) ng Code White Alert na epektibo nitong Martes, Enero 6, 2026, ilang oras matapos itaas ng Department of Science and Technology–Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS) sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon.

Inanunsyo ang hakbang kasunod ng pahayag ng PHIVOLCS kaninang araw na ang Bulkang Mayon ay nasa Alert Level 3, na nangangahulugang may mataas na antas ng pag-aalboroto ng bulkan.

Ayon sa PHIVOLCS, bandang 12:26 ng tanghali, nakapagtala ng mga pyroclastic density currents (PDCs) sa Bonga Gully sa timog-silangang bahagi ng bulkan. Ito ay dulot ng pagguho ng bagong umuusbong na lava. Batay sa seismic record, tumagal ang mga PDC ng hindi bababa sa tatlong minuto at umabot sa loob ng dalawang kilometro mula sa summit crater.

--Ads--

Bilang tugon, inatasan ng APHO ang lahat ng provincial, district, at municipal hospitals, pati na rin ang mga rural at city health units at mga Disaster Risk Reduction and Management–Health managers, na manatili sa mataas na antas ng alerto, tiyakin ang kahandaan, at magsumite ng mga kinakailangang ulat bilang bahagi ng pinagsama-samang paghahanda sa posibleng emerhensiyang pangkalusugan.

Binigyang-diin din ng health office ang kahalagahan ng patuloy na pagbabantay, mahigpit na koordinasyon, at pagsunod sa mga alituntunin upang mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng lahat ng Albayanon.