Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na maaaring magpatuloy nang ilang linggo hanggang isang buwan ang mga aftershock matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Sarangani kaninang umaga, Hunyo 8, 2026.

Ayon sa Phivolcs, alas-7:37 ng umaga nang tumama ang malakas na lindol sa bayan ng Maasim, Sarangani. Nanggaling umano ito sa paggalaw ng Cotabato Trench.

Sa pinakahuling tala, umabot na sa mahigit 130 aftershocks ang naitala ng ahensya. Ang pinakamalakas dito ay may lakas na magnitude 6.7.

--Ads--

Bagama’t karamihan sa mga aftershock ay mahihina, sinabi ng Phivolcs na may posibilidad pa ring makaranas ng mas malalakas na pagyanig sa mga susunod na araw.

Kasabay nito, nananatili rin ang tsunami warning sa ilang coastal areas. Pinayuhan ang mga residenteng nakatira malapit sa dalampasigan na agad lumikas kapag may inilabas na babala ang mga awtoridad.

Ayon sa Phivolcs, hindi dapat hintayin ang pagdating ng alon bago umalis dahil maaari itong dumating sa loob lamang ng ilang minuto.

Pinag-iingat din ang publiko na huwag agad bumalik sa kanilang mga bahay o sa baybayin kahit tila maliit lamang ang unang alon dahil posible pa umanong mas malaki ang dumating ng mga susunod na alon.

Samantala, kumikilos na ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para sa rescue at relief operations. Inatasan na rin ang Department of Social Welfare and Development na maghanda ng tulong para sa mga apektadong residente at tiyakin ang maayos na evacuation centers.

Nagsasagawa naman ng inspeksyon ang Department of Public Works and Highways sa mga kalsada, tulay, at iba pang mahahalagang imprastraktura upang matiyak na ligtas at madaanan ang mga ito.

Sinuspinde rin ang mga klase sa ilang apektadong lugar habang patuloy na inaayos at sinusuri ang sitwasyon.

Pinapayuhan ng Phivolcs ang mga residente na suriing mabuti ang kondisyon ng kanilang mga bahay bago bumalik, lalo na kung may nakitang pinsala matapos ang malakas na lindol.