Mariing tinutulan ng Alliance of Concerned Transport Organization o ACTO ang kahilingan ng ilang transport group na ipatigil na ang PUJ Modernization program.

Ayon kay Liberty De Luna, Presidente ng Alliance of Concerned Trasport Organization (ACTO), sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan unfair o hindi ito makatarungan dahil gumastos na sila.

Aniya, pinapatigil ang modernization program samantalang marami na ang mga nakakuha ng modernized jeep at mga kasalukuyang umuutang para sa nasabing sasakyan.

--Ads--

Sa halip na ipatigil ang programa ay ayusin ang ilang mga problema dahil kawawa ang mga nakautang na at nagbabayad ng amortization kada buwan.

Sinabi pa niya na sa buong bansa, 85 percent na aniya ang nakapag consolidate na.

Pinuna ni De Luna ang mga isinasagawang strike na lubhang nakakakaabala sa mga mananakay.

Gayunman, giniit niya na karapatan ng mga ito na magparating ng hinaing sa gobyerno kaya marapat na tugunan ng mga congressman at senador.

Ang ACTO ay hindi kasama sa tatlong araw na tigil-pasada ng grupong Manibela simula ngayong Lunes, Marso 24, bilang pagpapatuloy ng kanilang protesta laban sa PUV consolidation program.

Sa kabilang dako nagbabalak na magsagawa rin ng hiwalay na rally ang ACTO sa mga susunod na Linggo matapos ang isasagawang pakikipagpulong sa Department of Transportation.