DAGUPAN CITY- Mariing tinututulan ng ACT-Teachers Partylist ang nais ng kasalukuyang administrasyon na iimplementa ang mandatory ROTC sa mga senior high school students sa bansa.
Ayon kay Rep. France Castro ng ACT-Teachers Partylist, ito umano magdadagdag lamang ng gastusin sa mga magulang ng mga estudyante dahil sa pagbili ng mga uniporme na gagamitin sa ROTC.
Aniya, ito umano ay labag sa international law na pirmahan ng bansa dahil nakasaad doon na hindi pwedeng gamitin ang mga bata sa anumang mga military exercises and service.
Maliban pa umano dito, nakitaan na rin ito ng ilang mga problema sa nakaraang implementasyon nito gaya na lamang ng karapatang pantao at kurapsyon.
Saad ni Casto, imbes na pondohan ng malaki ang nasabing implementasyon, mas mainam na ilaan na lamang muna ito ng pamahalaan sa mga kinakailangan tugunan na problema gaya ng pagbili ng quality textbooks, gadgets at internet allowance ng mga kabataan na magagamit sa blended learning ng mga mag-aaral ngayong nasa gitna pa rin tayo ng pandemya.