Dagupan City – Ipinahayag ng ACT-Philippines ang kanilang matinding panghihinayang sa pagkakasangkot ng isang Undersecretary ng Department of Education (DepEd) sa isyu ng flood control anomaly na kaugnay umano ng mga substandard na proyekto, partikular na ang ilang silid-aralan na itinayo sa ilalim ng programang pinangasiwaan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Vladimer Quetua, Chairperson ng ACT-Philippines, naging maayos ang naging pakikitungo ng nasabing opisyal kaya’t ikinalungkot nila ang balitang ito.
Ngunit sa kabila nito, naniniwala si Quetua na kailangang mapanagot ang mga sangkot, lalo na’t kaligtasan ng mga mag-aaral ang nalalagay sa panganib dahil sa mababang kalidad ng mga pasilidad.
Inaasahan din aniya ng kanilang sektor na sana sa mga susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ay mababanggit na rin ang pangalan ng mas mataas pang mga opisyal na posibleng may kinalaman sa anomalya.
Binanggit din ng grupo na ang patuloy na katiwalian sa mga proyektong tulad nito ay nagpapakita ng lumalalang krisis sa bansa.
Ayon sa Quetua, kung babalikan kasi ang mga nabanggit ng mga kontraktor,naging talamak ang overpricing at hindi maayos ang pagpapatupad ng mga proyekto, na umano’y bunga ng kasakiman ng ilang opisyal.
Kaugnay nito, iginiit ng ACT-Philippines ang pangangailangan ng mas mahigpit na pagbabantay sa budget allocations para sa sektor ng edukasyon.
Sa kabila ng mga pondo, nananatili ang kanilang pangamba sa wastong paggamit nito dahil sa bumababang tiwala sa sistema ng pamahalaan.