Mga kabombo! Anong gagawin mo kapag mayroon kang kaparehong pangalan?
Sa ibang kaso kasi, naaabala sila sa pagkuha ng mga NBI at Police Clearance lalo na kung may record na ang kapangalan.
Ngunit aba! Paano na lamang kung ang kapangalan mo ay ang CEO ng social media platform?
Umabot na kasi sa demandahan ang nangyari sa Indiana, U.S.A. matapos na pormal na magsampa ng demanda ang abogadong si Mark Zuckerberg.
Aniya, malaking abala na ang nangyayari sa kaniya dahil sa paulit-ulit na pag-disable sa kanyang account sa mga social media platform ng Meta, sa akusasyon ng impersonation sa CEO ng Facebook na si Mark Zuckerberg.
Sa katunayan aniya, limang beses nang na-disable ang advertising page nito sa Facebook at Instagram mula pa noong 2017.
Ang bawat pagbabawal ay may kaakibat na mensaheng “We removed your page because you’re trying to impersonate our founder. Nice try, fake Zuck!”
Dahil dito, nawalan umano ang abogado ng humigit-kumulang $11,000 sa ad fees na hindi na na-refund.
Iginiit ng abogado na siya ay mas matagal nang gumagamit ng pangalang Mark Zuckerberg at matagal nang nagpapraktis ng bankruptcy law bago pa man naging nakilala ang Facebook founder.
Binanggit din niya ang mga abalang dulot ng pagkakaparehas ng kanilang pangalan, tulad ng pagtanggap ng daan-daang email na para sa CEO. Bukod dito hirap din siya sa paggawa ng restaurant reservations.
Matapos isampa ang demanda at kumalat ang balita, kinilala ng Meta ang sitwasyon at nangakong hahanap ng solusyon.
“We know there are more than one Mark Zuckerberg in the world. We’re working to try to prevent this from happening again,” pahayag ng Meta.