Dalawa ang nasawi habang apat na iba pa ang nasugatan sa salpukan ng dalawang sasakyan sa kahabaan ng Manila North Road o MacArthur Highway sa Zone 5, Barangay Nancayasan, Urdaneta City, Pangasinan, dakong alas-2:00 ng madaling-araw nitong Nobyembre 29, 2026.

Ayon kay PMaj Jesus De Leon Tambalo, Deputy Chief of Police ng Urdaneta City Police Station, sangkot sa aksidente ang isang Toyota Innova na minamaneho ng isang 45-anyos na pulis na nakatalaga sa Baguio City Police Office at isang Mitsubishi Mirage na minamaneho naman ng isang 19-anyos na estudyante mula sa Dagupan City.

Kasama ng pulis ang isang 44-anyos nitong pinsan na kapwa residente ng Manaoag, Pangasinan. Kapwa nagtamo ng minor injuries ang mga ito.

--Ads--

Samantala, sakay naman ng Mitsubishi Mirage ang apat na pasahero, kabilang ang isang 50-anyos na doktor at isang 79-anyos na babae na kapwa nasawi matapos isugod sa pagamutan. Kabilang din sa mga nasugatan ang 19-anyos na driver, isang menor de edad at isang 56-anyos na babae.

Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, magkasalungat ang direksiyong tinatahak ng dalawang sasakyan nang mangyari ang aksidente. Nakuha rin ng mga imbestigador ang CCTV footage na nagpapakita umano sa isa sa mga sasakyan na lumihis at pumasok sa kabilang linya, na posibleng naging sanhi ng banggaan.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang eksaktong sanhi ng aksidente. Dinala naman sa Urdaneta City Police Station ang driver ng Toyota Innova at ang mga sasakyan para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.