Matagumpay na inilunsad sa bayan ng Sison ang “Project Angel Tree,” isang programang naglalayong itaguyod ang kapakanan at karapatan ng mga kabataan bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Children’s Month.
Ang naturang inisyatiba ay pinangunahan ng Lokal na Pamahalaang Bayan ng Sison katuwang ang Department of Labor and Employment – Regional Office 1 (DOLE-RO1) Eastern Pangasinan Field Office.
Dinaluhan ang paglulunsad ni Mayor Alma M. Lomibao, kasama sina Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) Head Lanie Enriquez at Special Program for Employment of Students / Labor and Employment Officer (SLEO) Head Leah Bustillo.
Sentro ng programa ang patuloy na pagsusulong sa kapakanan, proteksiyon, at batayang karapatan ng bawat bata.
Hangad ng lokal na pamahalaan at ng DOLE na matiyak ang isang komunidad kung saan ang bawat kabataan ay ligtas, minamahal, at nabibigyan ng sapat na pagkakataong umunlad.










