Dagupan City – Tiniyak na nasa maayos na kalagayan ang mga manggagawa kasabay ng pagsasagawa ng mega job fair sa Pangasinan. Bahagi ng aktibidad ang programang Tara Trabaho na isinusulong sa ilalim ng Department of Labor and Employment. Layunin ng programa na ilapit ang trabaho sa mga mamamayan at matiyak na may oportunidad para sa lahat.
Sinabi ni Mr. Darwin G. Hombrebueno, pinuno ng DOLE Western Pangasinan Field Office na ang mega job fair ay isinagawa sa pamamagitan ng inisyatiba ng tanggapan ng Senate President. Kabilang ang Pangasinan sa mga napiling recipient ng programang Tara Trabaho. Dahil dito, sabay-sabay na idinaos ang job fair sa iba’t ibang lugar upang mas maraming jobseeker ang maabot at mabigyan ng pagkakataon na mag-apply.
Kasabay ng pag-aalok ng trabaho, binigyang-diin ang mga programa para sa proteksyon ng karapatan ng mga manggagawa. Kabilang dito ang inspeksyon sa iba’t ibang establisyimento, partikular ang micro, small, at medium enterprises na may sampu o higit pang empleyado. Isinasagawa rin ang technical advisory visit kung saan nakikipag-ugnayan ang mga labor inspector at speaker sa mga employer upang talakayin ang occupational safety and health, management rights, at karapatan ng mga empleyado.
Layunin ng mga programang ito na mapanatili ang empleyo at masiguro na nasusunod ang mga patakaran sa paggawa. Mayroon ding tripartite council meeting na nagsisilbing tulay sa pagitan ng pamahalaan, employer, at manggagawa. Sa pamamagitan ng mga programang ito, inaasahang mas mapapangalagaan ang kapakanan ng mga manggagawa habang patuloy na binubuksan ang mas maraming oportunidad sa trabaho.
Home Local News DOLE Western Pangasinan Field Office, tiniyak ang proteksyon sa karapatan ng manggagawa...







