Nangunguna ang LTO sa tala ng ahensya na may pinakamaraming reklamo, ayon sa ARTA. Alamin ang detalye ng 1,483 LTO reklamo at karaniwang isyu tulad ng driver's license at rehistro ng sasakyan.

Nangunguna ang Land Transportation Office (LTO) sa tala ng ahensiya ng pamahalaan na may pinakamaraming reklamo mula sa publiko, ayon sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) nitong Lunes, Nobyembre 23.

Batay sa datos na ibinahagi ni ARTA Director-General Ernesto V. Perez, nakapagtala ang LTO ng 1,483 na reklamo mula Enero ng taon hanggang nakaraang buwan ng Oktubre.

Mula sa kabuuan nito, 1,149 na reklamo ang naresolba na, habang nanatiling nakabinbin naman ang 64 sa mga ito.

--Ads--

Ayon pa sa direktor-heneral, karaniwang reklamo sa ahensiya ang online driver’s license portal, pagpaparehistro ng sasakyan, at ang release ng Official Receipt and Certificate of Registration o OR/CR.

Kasunod ng LTO, pumapangalawa naman sa pinakamaraming reklamo ang Bureau of Internal Revenue na nakapagtala ng 678 na reklamo, kung saan 635 ay natugunan na, habang 43 ang nananatiling pending.

Narito rin ang iba pang ahensiya ng pamahalaan na nakapagtala ng reklamo mula sa publiko;

Food and Drug Administration – 580 reklamo;
Land Registration Authority – Registry of Deeds – 461 reklamo
Philippine Statistics Authority – 449 reklamo
Department of Education – 294 reklamo
Department of Foreign Affairs – 268 reklamo
National Telecommunications Commission – 254 reklamo
Department of Human Settlements and Urban Development – 212 reklamo
Department of Social Welfare and Development – 201 reklamo
Sa kategorya naman ng pinaka-inirereklamong government-owned corporation, nangunguna ang Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund kung saan naitala rito ang 15,171 na reklamo, 13,725 ang naresolba, habang 1,446 ang nananatiling nakabinbin.

Numero uno naman sa lahat ng local government units (LGUs) ang Quezon City LGU sa talang 112 reklamo.