Hindi dapat maging pangunahing solusyon ang pagpapatalsik sa mga estudyanteng mapatutunayang sangkot sa bullying, bagkus ay kailangang tutukan ang ugat ng pang-aapi at tiyaking ligtas ang mga paaralan para sa lahat ng mag-aaral.
Ito ang iginiit ni Ruby Bernardo, National Chairperson ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), kasunod ng pahayag ni Education Secretary Sonny Angara na posibleng patawan ng expulsion ang mga mapatutunayang nambubully sa ilalim ng bagong polisiya na DepEd Order No. 006, s. 2026 o Enhanced School-Based Management and Learner Protection (ESMLE) Policy.
Ayon kay Bernardo, malinaw ang tindig ng ACT na walang puwang ang bullying sa mga paaralan at dapat protektahan ang mga bata laban sa anumang uri ng pang-aabuso at karahasan.
Bagama’t kinikilala ang pangangailangan ng seryosong disciplinary measures, sinabi ni Bernardo na hindi dapat parusa lamang ang maging sentro ng solusyon, dahil multifactorial ang bullying at nakaugat din sa culture of violence, discrimination, power imbalance, at kakulangan sa suporta sa mental health.
Dagdag pa niya, kailangang palakasin ang counseling, rehabilitation, at pag-deploy ng mental health personnel sa mga paaralan, kasabay ng pagdaragdag ng guidance counselors, school counselor associates, mga guro, at pagpapatayo ng classrooms upang matugunan ang overcrowding na isa rin sa mga nakikitang dahilan ng bullying.
Nanawagan din ang ACT sa DepEd na gawing komprehensibo ang mga hakbang laban sa bullying sa pamamagitan ng paglalaan ng sapat na pondo sa 2027 budget para sa learner protection, mental health services, at iba pang pangangailangan ng mga paaralan, sa halip na umasa lamang sa mabibigat na parusa.
Iginiit din ni Bernardo na dapat manatiling safe zone ang mga paaralan at hindi dapat nakatuon sa surveillance at punitive measures ang pagtugon sa bullying, kabilang ang paglalagay ng police at military presence sa loob ng mga paaralan, dahil higit na mahalaga ang pagbuo ng ligtas na kapaligiran at pagtugon sa mga ugat ng karahasan.








