Dagupan City – Muling pinatunayan ng Lokal na Pamahalaan ng Pozorrubio ang kahusayan nito sa pamamahala matapos masungkit ang 1st Place sa Municipal Government Category sa ginanap na CY 2026 Regional SubayBAYANI Awards ng Department of the Interior and Local Government (DILG) – Regional Office I.
Personal na tinanggap ni Pozorrubio Mayor Kelvin T. Chan, kasama si Municipal Local Government Operations Officer (MLGOO) VI Edda Joie D. Lubrin, ang nasabing parangal na kumikilala sa dedikasyon ng bayan sa tapat at epektibong paglilingkod.
Ang SubayBAYANI Awards ay iginagawad ng DILG sa mga lokal na pamahalaang nagpapakita ng natatanging pagganap sa paggamit ng SubayBayan, isang digital monitoring system na layuning itaguyod ang transparency, accountability, at maayos na pagpapatupad ng mga proyektong pampubliko.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang pagkilalang ito ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng bawat tanggapan, kawani, at lingkod-bayan upang matiyak na ang mga programa ng gobyerno ay nasusubaybayan nang wasto at nagdudulot ng direktang pakinabang sa komunidad.
Higit pa sa isang titulo, itinuturing ng LGU Pozorrubio ang panibagong tagumpay na ito bilang patunay ng kanilang pagkakaisa at patuloy na paninindigang maghatid ng serbisyong may malasakit sa bawat Pozorrubians.










