Dagupan City – Magkakaroon ng Bayanihan General Clean-up Drive sa Mangaldan Public Market sa darating na Miyerkules, Nobyembre 25, 2026. Isasagawa ang paglilinis mula ala-una hanggang alas-singko ng hapon.
Layunin nito na ihanda ang pamilihang bayan sa pagdagsa ng mga mamimili ngayong nalalapit na kapaskuhan at mapanatili ang kaayusan at kalinisan dito.
Dahil sa aktibidad, pansamantalang isasara ang lahat ng puwesto sa buong Mangaldan Public Market sa nasabing petsa at oras. Inabisuhan na ang publiko, mga market vendor, at mga stall owner na magbigay-daan sa tulong-tulong na paglilinis.
Pinayuhan din ang mga stall owner na iligpit at isaayos ang anumang makakahadlang sa maayos at ligtas na pagsasagawa ng programa.
Pangungunahan ang clean-up drive ng Office of the Market Supervisor katuwang ang Municipal Health Office, General Services Office, Bureau of Fire Protection, at Mangaldan Police Station.
Makikiisa rin ang mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged o Displaced Workers program sa nasabing aktibidad. Inaasahan ang sama-samang pagkilos ng mga ahensya at mga vendor para sa matagumpay na paglilinis.
Inaasahan din ang pakikiisa ng lahat ng stall owner sa pamamagitan ng regular na paglilinis ng kanilang nasasakupang puwesto.
Hinihiling ng lokal na pamahalaan ang pang-unawa ng publiko para sa maayos na pagsusulong ng clean-up drive tungo sa malinis at maayos na Mangaldan Public Market.










