Nagpahayag ng pasasalamat ang National Public Transport Coalition sa sunod-sunod na rollback sa presyo ng produktong petrolyo, na inaasahang makatutulong sa unti-unting pagbangon ng kita ng mga tsuper at iba pang manggagawa sa sektor ng transportasyon.
Gayunman, sinabi ni Ariel Lim, pangulo ng National Public Transport Coalition, na hindi pa sapat ang kasalukuyang pagbaba ng presyo ng petrolyo upang tuluyang makabawi ang mga tsuper, partikular ang mga gumagamit ng diesel gaya ng mga jeepney at bus driver.
Mas nakikinabang na aniya sa pagbaba ng presyo ang mga gumagamit ng gasolina, kabilang ang mga tricycle driver, taxi driver at motorcycle taxi operator.
Kasabay nito, hinimok ni Lim ang Department of Energy o DOE na magpatupad ng mas mahigpit na aksiyon laban sa mga gasolinahang hindi agad sumusunod sa ipinaiiral na rollback sa presyo ng petrolyo.
Aniya, mabilis ang pagpapatupad ng mga ito kapag may oil price hike, ngunit nagiging mabagal naman kapag may bawas-presyo.
Binigyang-diin niyang hindi sapat ang pagpapadala lamang ng show cause order sa mga lumalabag na establisimyento at dapat magkaroon ng agarang kaukulang parusa kapag napatunayang hindi nila sinunod ang kautusan ng kagawaran.
Naniniwala siyang makatutulong ang mas mahigpit na pagpapatupad ng mga sanction upang maiwasan ang pag-uulit ng naturang paglabag.
Samantala, kabilang din sa mga natalakay sa pakikipagpulong ng koalisyon sa Department of Transportation ang mga problemang kinahaharap ng sektor, kabilang ang usapin sa pamasahe at iba pang kinakailangang hakbang upang matulungan ang mga tsuper sa panahon ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Umaasa naman si Lim na magpapatuloy ang pakikipagdayalogo ng DOE at DOTr sa mga grupo ng transportasyon at hindi mapapabayaan ang mga panukalang tulong at solusyon kahit pa patuloy nang bumababa ang presyo ng produktong petrolyo.










