Walang natanggap na opisyal na reklamo o naitalang blotter ang Lingayen Police Station kaugnay ng kumakalat na umano’y insidente ng pambubugbog sa harap ng isang paaralan sa bayan ng Lingayen.a
Ayon kay PLtCol. Junmar C. Gonzales, hepe ng Lingayen Police Station, agad nilang sinuri ang naturang impormasyon matapos itong kumalat sa social media.
Gayunman, wala umanong nakumpirmang ulat mula sa mga nakasaksi o mga taong madalas na nasa lugar, kabilang ang mga nagtitinda sa gabi sa Centro Mart.
Nilinaw ni Gonzales na hindi nangangahulugang walang ginagawa ang kapulisan sa kabila ng kawalan ng pormal na reklamo.
Aniya, regular na nagpapatrolya ang kanilang mobile patrol unit mula alas-11 ng gabi hanggang alas-tres o alas-kuwatro ng madaling-araw, upang matiyak ang seguridad ng mga establisimyento at mamamayan.
Samantala, inanunsiyo rin ng hepe na nakatakdang maglagay ng 24-hour police outpost sa may tawiran sa harap ng paaralan sa tulong ng pamunuan ng paaralan at kooperatiba.
Nakahanda na rin umano ang blinker na ikakabit sa lugar, habang nangako naman ang Municipal Engineering Office na tutulong sa kinakailangang electrical wiring.
Inaasahan ni Gonzales na maisasakatuparan agad ang pagtatayo ng outpost upang mapalakas ang presensiya ng kapulisan at maiwasan ang mga insidenteng maaaring magbanta sa kaligtasan ng publiko, lalo na sa nalalapit na kapaskuhan.










