Ikinababahala ng mga may-ari ng cottage sa Tondaligan Beach sa Dagupan City ang insidente ng pagnanakaw ng mga kable na ginagamit sa kanilang mga establisimyento, na nagdudulot ng pangamba sa kanilang seguridad at kabuhayan.
Ayon kay Sotero Paras, isang cottage owner sa lugar, tinatayang lima hanggang apat na kilo ng mga kable ang natangay sa kanilang lugar nang pasukin ito ng mga hindi pa nakikilalang magnanakaw noong Miyerkules.
Agad umano nilang ini-report sa pulisya ang insidente at nakipagtulungan upang matukoy ang mga responsable. Dahil sa nangyari, nababahala ang mga cottage owner sa posibilidad na maulit ang naturang insidente, lalo na kapag walang nagbabantay sa lugar.
Nagpasalamat naman si Paras sa presensya ng mga tauhan ng Maritime Police na patuloy na nagpapatrolya at umaalalay sa mga cottage owner at iba pang nagtatrabaho sa baybayin.
Bukod sa problema sa seguridad, hamon din sa kanilang kabuhayan ang pabago-bagong kondisyon ng dagat. Ayon kay Paras, naaapektuhan ng malalakas na alon ang kanilang pangingisda, na isa rin sa pinagkukunan nila ng karagdagang kita.
Samantala, pinag-uusapan na rin ng mga cottage owner ang pakikipag-ugnayan sa kanilang mga kasamahan at kooperatiba upang makahanap ng paraan para maprotektahan ang kanilang mga kagamitan at maiwasan ang mga susunod na insidente ng pagnanakaw.
Nanawagan din sila ng mas maigting na pagbabantay at presensya ng mga awtoridad sa lugar upang matiyak ang kaligtasan ng mga nagtatrabaho at naghahanapbuhay sa Tondaligan Beach.










