Hiniling ni House impeachment prosecutor Terry Ridon sa hukuman na alisin sa opisyal na rekord ang pahayag ni defense counsel Sheila Sison na umano ay nasayang lamang ang oras ng korte sa pagpapatuloy ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Nag-ugat ang mainitang palitan ng salita nang ipaliwanag ni Sison kung bakit hindi makadadalo ang mga testigo ng depensa sa mga nakatakdang pagdinig sa susunod na linggo.
Sa kaniyang paliwanag, iginiit ni Sison na naging maingat ang kampo ng depensa sa paggamit ng oras ng korte, hindi umabuso sa hukuman, at hindi nag-aksaya ng tatlong buwan para magprisinta ng mga testigong babawiin din sa huli.
Agad namang naghain ng mosyon na “move to strike” si Ridon laban sa nasabing pahayag, ngunit nanindigan si Sison na naglalahad lamang siya ng katotohanan.
Bilang tugon, iginiit ni Ridon na hindi nasayang ang oras ng hukuman at binigyang-diin na kailangang linawin ang naturang usapin sa harap ng impeachment court.
Ang pahayag ni Sison ay tumutukoy sa hakbang ng prosekusyon noong Oktubre 2026 kung saan hiniling nitong bawiin ang tatlo sa apat na impeachment articles, na may kaugnayan sa confidential funds, panunuhol o bribery, at grave threats, upang ituon na lamang ang paglilitis sa natitirang reklamo ng hindi maipaliwanag na yaman o unexplained wealth.










