Dagupan City – Mas pinatibay ang pagtutulungan sa pagitan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Pangasinan at ng Pamahalaang Panlalawigan kasunod ng isinagawang courtesy visit ng mga opisyal ng kabomberohan kay Governor Ramon “Mon-Mon” Guico III.

Pinangunahan ni BFP Pangasinan Officer-in-Charge Fire Chief Inspector (FCINSP) Jun Eland I. Wanawan ang delegasyon, kasama si Alcala Vice Mayor Jojo B. Callejo at ang mga City at Municipal Fire Marshals mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa buong lalawigan.

Mainit na tinanggap ni Gov. Guico ang nasabing grupo kung saan tinalakay nila ang mas pinaigting na koordinasyon para sa kaligtasan ng mga mamamayan.

--Ads--

Nakasentro ang pulong sa pagpapalakas ng mga programa sa pag-iwas sa sunog (fire prevention), kahandaan sa panahon ng sakuna (disaster preparedness), at mas mabilis na pagtugon sa mga emergency sa bawat komunidad.

Ayon sa magkabilang panig, ang pagkakaisang ito ay patunay ng kanilang kolektibong dedikasyon na makapaghatid ng mas epektibo at maaasahang serbisyo publiko.

Sa pamamagitan ng matibay na inter-agency collaboration, patuloy na isusulong ng BFP at ng Pamahalaang Panlalawigan ang isang mas ligtas at fire-resilient na Pangasinan para sa bawat mamamayan.