Kabilang sa mga pangunahing probisyon ng Senate Committee Report sa pambansang budget ang dagdag-pondo para sa kalusugan, edukasyon at mga proyektong pang-imprastraktura, ayon kay Senate Finance Committee Chairperson JV Ejercito.

Nakapaloob dito ang P52 billion na dagdag-pondo para sa health sector, kabilang ang P19.8 billion increase sa PhilHealth budget mula P74.4 billion tungo sa P94.2 billion upang mapalawak ang health coverage at mga benepisyo alinsunod sa Universal Health Care.

May dagdag ding P9.6 billion para sa DOH, kabilang ang pondo para sa health facilities, preventive health programs, immunization at Sulu transition subsidy. Kabilang din sa mga prayoridad ang Zero Balance Billing upang direktang maipagkaloob sa mga ospital ang tulong medikal para sa indigent patients, PWDs at senior citizens.

--Ads--

Samantala, naglaan din ng P15.3 billion na dagdag-pondo para sa edukasyon, kabilang ang P11 billion para sa school-based feeding program, dagdag na pondo para sa state universities and colleges (SUCs), at P850 million para sa SUC Smart Campus program.

Sa imprastraktura naman, ibinalik ang P68.797 billion para sa foreign-assisted projects, kabilang ang Metro Manila Subway, North-South Commuter Railway, Cavite-Bataan Bridge at Laguna Lakeshore Highway.