‎Walang naitalang malalaking sunog o structural fire sa bayan ng Mapandan, Pangasinan mula Enero hanggang Nobyembre ngayong taon.
‎
‎Ito ang ibinahagi ni SF04 Jonathan S. Velasquez, Acting Fire Marshal ng Mapandan Bureau of Fire Protection.
‎
‎Ayon kay Velasquez, bagama’t wala silang naitalang malalaking sunog sa mga gusali at establisimyento sa nasabing panahon, mayroon pa rin silang nairereport na mga insidente ng grass fire o sunog sa damuhan, gayundin ang pagsunog ng basura at mga palayan.
‎
‎Dahil dito, patuloy ang paalala ng BFP sa publiko na maging maingat sa paggamit ng apoy at iwasan ang basta-bastang pagsusunog ng mga basura at iba pang bagay na maaaring pagmulan ng sunog.
‎
‎Samantala, nagpapatuloy din ang kanilang pag-iikot at pag-inspeksyon sa mga establisimyento sa bayan upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa mga kinakailangang fire safety requirements.
‎
‎Kabilang sa kanilang tinututukan ang mga negosyong may mataas na panganib ng sunog, partikular ang mga tindahan na nagbebenta ng mga produktong madaling magliyab at mga establisimyentong nagtitinda o nag-iimbak ng LPG o gasul.
‎
‎Ayon pa sa opisyal, isa-isa nilang kinokontak ang mga establisimyento upang paalalahanan ang mga ito na mag-renew ng kanilang mga kinakailangang dokumento at sumailalim sa fire safety inspection.
‎‎
‎Patuloy namang hinihikayat ng BFP ang mga residente at may-ari ng negosyo sa Mapandan na sumunod sa mga paalala at pamantayan sa kaligtasan laban sa sunog.
‎
‎Paalala ng ahensya, mahalagang maagapan ang anumang posibleng pagmulan ng sunog upang maiwasan ang pinsala sa ari-arian at higit sa lahat, maprotektahan ang buhay ng mga mamamayan.