Nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) hinggil sa magkakaugnay na pagkakarekober ng palutang-lutang na mahigit isang milyong pisong halaga ng mga hinihinalang smuggled na sigarilyo sa karagatan ng Pangasinan, habang wala pa ring naaarestong indibidwal na sangkot dito.
Sa panayam kay Police Major Aileen Catugas, Public Information Officer (PIO) ng Pangasinan PPO, sinabi niyang masusing binabalidasyon at sinisiyasat ng mga awtoridad ang serye ng insidente upang matukoy kung iisang grupo lamang ang nasa likod nito.
Ayon kay Catugas, malaki ang posibilidad na magkakaugnay ang mga nakumpiskang kontrabando sa magkakahiwalay na baybayin ng Agno at Bani dahil pare-parehong may markang President Filtered Cigarette ang mga ito, bukod pa sa magkakaparehong paraan ng pagkakabalot sa kahon at plastik.
Gayunman, nilinaw niyang dadaan pa sa masusing imbestigasyon upang kumpirmahin kung iisang sindikato o grupo ang nagmamay-ari nito.
Ipinaliwanag din ng opisyal ang mga nakikitang dahilan kung bakit palutang-lutang sa dagat ang mga kargamento.
Kabilang dito ang posibilidad na namataan ng mga law enforcement agency tulad ng Philippine Coast Guard at PNP Maritime Law Enforcement Patrol Team ang mga vessel o pump boat kaya itinapon na lamang ang mga sigarilyo upang makaiwas sa pagkakaaresto at sa posibleng pagkaka-forfeit ng kanilang sasakyang-pandagat.
Maaari rin umanong dulot ito ng masamang lagay ng panahon sa dagat o mechanical failure ng mga bangkang kukuha sana nito patungo sa kanilang mga drop points.
Matatandaang unang namataan ng mga pauwing mangingisda noong November 13, 2026, bandang alas-2:00 ng hapon, ang mga palutang-lutang na master cases humigit-kumulang 60 nautical miles off the coast ng Barangay Macaboboni sa bayan ng Agno.
Bandang alas-4:50 ng hapon ng parehong araw, nakarekober din ang mga otoridad ng mga palutang-lutang na kahon ng sigarilyo sa bahagi ng karagatan ng Bani, tinatayang 13 nautical miles kanluran ng Dacap Sur, matapos ang sumbong ng isang concerned citizen.
Nasundan pa ito ng Seaborne Patrol Operation noong gabi ng November 18, 2026, ng pinagsamang pwersa ng Dasol Maritime Law Enforcement Team (MLET), Infanta MLET, Anda MLET, at Agno Municipal Police Station (MPS), kung saan nakadiskubre pa ng dalawang palutang-lutang na master cases.
Sa kabuuan, umabot sa mahigit ₱1 milyon ang tinatayang halaga ng mga narekober na sigarilyo na binubuo ng 18 master cases sa Agno at 22 unopened boxes at 116 reams sa Bani kung saan ang ilan ay napasukan na ng tubig-dagat.
Saad pa nito, katatapos lamang ng imbentaryo ng Pangasinan Maritime Police Unit kasama ang Bureau of Customs noong November 18 at hinihintay na ang Warrant of Seizure and Detention bago isagawa ang proper disposal, samantalang sa Bani ay agad nang isinagawa ang proper disposal matapos makumpiska ang mga kontrabando.
Samantala dahil sa pangyayari, mahigpit ang ginagawang koordinasyon ng Pangasinan PPO sa iba pang law enforcement agencies upang mapalakas ang kanilang pagbabantay sa mga baybayin sa Pangasinan at mahuli ang mga taong nasa likod ng mga smuggled na sigarilyo.










