Nakibahagi ang Aeta Community mula sa Capas, Tarlac sa mga nagdaang protesta sa Metro Manila bilang panawagan ng pagtutol sa itinutulak na Pax Silica project na nakatakdang itayo sa kanilang lugar. Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ibinahagi ni Nelson De Guzman, Aeta Community Leader sa Capas, Tarlac, na bagama’t hinarang sila ng mga kapulisan at hindi na sila nakatuloy patungo sa PICC, pinili nilang umiwas sa gulo at magpasensya upang hindi lumala ang sitwasyon. Giit niya na hindi pa tapos ang laban at magpapatuloy pa ang kanilang mga pagkilos, dahil sa kanilang pagtaya ay fifty-fifty pa lamang ang laban at hindi pa tiyak kung matutuloy o hindi ang proyekto.

Ipinaliwanag ni De Guzman na ang kanilang ipinaglalaban ay ang lupang ninuno na bahagi na ng kanilang buhay at pinagmulan ng kanilang kabuhayan. Dito sila nanirahan mula pa sa panahon ng kanilang mga ninuno, at dito rin nakasalalay ang kalikasan, tubig, at bundok na ayaw nilang mapatag. Nilinaw niya na walang nag-udyok sa kanila upang sumama sa protesta at walang bayad ang kanilang paglahok, dahil kusa nilang ipinaglalaban ang kanilang karapatan bilang mga katutubo na aniya ay inaapakan ng gobyerno.

Ibinahagi rin ni De Guzman ang kasalukuyang sitwasyon sa kanilang lugar, kung saan mayroon nang malawak na solar farm na umaabot umano sa 40 ektarya sa daan patungong Biñan, na dating mga bukirin ng mga magsasaka. Aniya, tinamaan din ng daan at kalsada para sa proyekto ang kanilang burial ground, dahilan upang magkalat ang mga buto ng kanilang mga mahal sa buhay at mga ninuno. Dahil dito, naglakas-loob umano silang lumuwas sa Maynila upang maipahayag ang kanilang hinaing sa ginagawa ng gobyerno.

--Ads--

Idinagdag ni De Guzman na hindi na sila nakakaakyat sa kanilang mga sakahan dahil hinaharangan na sila, kaya hindi na sila makapagtanim at makapagtrabaho. Aniya, ginigipit na sila sa kanilang sariling lugar, at wala umanong sapat na tulong mula sa NCIP na siyang dapat na tumutulong sa kanila. Kinuwestiyon din niya ang pahayag ng BCDA noong 1992 na wala umanong katutubo sa kabundukan, gayong matagal na silang naninirahan doon bago pa man pumutok ang Bulkang Pinatubo, at pansamantala lamang silang lumikas dahil sa pagsabog bago muling bumalik sa kanilang lupain.

Iginiit ni De Guzman na ito ang pinakamatinding pagsubok na kanilang dinaranas bilang komunidad, dahil aniya ay hindi iginagalang ang kanilang batas at walang maayos na konsultasyon bago kunin ang kanilang lupang ninuno. Tinatayang nasa 15 sitio ang apektado, bukod pa sa iba pang barangay na madadamay kung matutuloy ang proyekto. Nanawagan siya na hangga’t hindi sila pinakikinggan ng gobyerno sa kanilang hinaing, hindi sila titigil sa kanilang pagkilos at patuloy nilang ipaglalaban ang kanilang lupang ninuno, kalikasan, at kinabukasan ng kanilang saling-lahi.