Naging sentro ng pagkuwestiyon nina Senator-Judge Kiko Pangilinan at Senator-Judge Raffy Tulfo ang mabilis na pagbibigay ng opinyon ni Atty. Rainer Dela Fuente ng AML Consulting PH sa forensic report na ipinakita sa pagdinig sa impeachment trial kaugnay ng Article II o Unexplained Wealth. Binusisi ni Pangilinan ang pahayag ng witness na kaya nitong gumawa ng forensic report sa loob ng dalawang linggo, gayong agad din itong nakapagbigay ng opinyon matapos makita ang bahagi lamang ng report na ipinakita sa pagdinig.
Iginiit ni Pangilinan na hindi sapat ang bahagyang pagtingin sa isang dokumento upang makabuo ng isang buong opinyon, lalo na sa isang impeachment trial kung saan sinusuri ang probative value ng bawat testimonya. Inihalintulad niya ito sa recitation sa law school, kung saan kailangang alamin muna ang buong facts bago ilapat ang batas at makapagbigay ng konklusyon.
Ipinaliwanag naman ng witness na hypothetical lamang ang mga tanong na ibinato sa kanya at wala siyang personal knowledge sa buong report, kaya hypothetical din ang kanyang mga sagot. Aniya, limitado lamang ang kanyang opinyon sa bahaging ipinakita sa kanya at hindi niya dini-discount ang kabuuan ng report.
Pinaka-binantayan ni Tulfo ang pag-amin ng witness na unang beses pa lamang nitong nakita ang forensic report ni Atty. Cabrera, expert witness ng prosecution, ngunit agad na itong nakapagbigay ng opinyong tumututol dito. Iginiit ni Tulfo na ang isang expert witness ay kailangang mag-aral, mag-analisa, at magsagawa ng research bago kwestyunin ang report ng kapwa expert.
Sa kabila ng paliwanag ng witness, nanatiling punto ng pagkuwestiyon nina Pangilinan at Tulfo kung paano ito nakapagbigay ng agarang opinyon sa isang report na unang beses pa lamang nitong nakita at bahagi lamang nito ang ipinakita sa pagdinig.








