
Masayang ibinahagi ng Department of Tourism (DOT) na nagkakaroon ng magandang kita ang mga negosyanteng kasama sa hub ng micro, small and medium enterprises (MSME) sa ASEAN International Media Center (IMC) sa World Trade Center sa Pasay City.
Base kasi sa pagtaya ng DOT na mula ng magkaroon ng soft-opening ang nasabing hub noong Nobyembre 11 ay nakalikom na sila ng kita na aabot sa mahigit P900,000.
Ang “Philippine Experience” ay inorganisa ng DOT kasama ang Presidential Communications Office (PCO) kung saan makikita ang ilang mga produktong ipinagmamalaki sa Pilipinas.
Mayroong mga kiosk kung saan matitikman ang mga ipinagmamalaking pagkain mula Luzon, Visayas at Mindanao.
Ayon kay Tourism Secretary Dita Angara-Mathay na ang hosting ng Pilipinas ng ASEAN ay nagbibigay ng pagkakataon para maipakilala ng Pilipinas ang produkto nito sa buong mundo.
Gaya aniya ng bilin sa kanila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na sa pag-host ng Pilipinas ng ASEAN ay dapat samantalahin ang pagkakataon para maipakilala ang ipinagmamalaking produkto ng bansa.



