Nakinabang ang kabuuang 140 katao mula sa Binmaley at mga karatig-bayan sa libreng Theoretical Driving Course (TDC) na isinagawa noong Nobyembre 14–15, 2026 sa pangunguna ng Pamahalaang Bayan ng Binmaley katuwang ang Land Transportation Office (LTO).
Isinulong ang programa sa ilalim ng inisyatibo ni Mayor Pedro A. Merrera III bilang bahagi ng mga hakbang ng lokal na pamahalaan upang mapalawak ang kaalaman ng mga mamamayan tungkol sa ligtas at responsableng pagmamaneho.
Layunin ng pagsasanay na mabigyan ang mga kalahok ng sapat na kaalaman hinggil sa mga batas-trapiko, wastong pagmamaneho, kaligtasan sa kalsada at mga responsibilidad na kaakibat ng pagiging isang motorista.
Inaasahang makatutulong ang naturang programa upang mapalakas ang disiplina ng mga motorista at mabawasan ang posibilidad ng mga aksidente sa lansangan sa pamamagitan ng mas malawak na kaalaman sa mga patakaran sa kalsada.
Patuloy namang isinusulong ng Pamahalaang Bayan ng Binmaley ang mga programang nagbibigay ng kapaki-pakinabang na oportunidad at dagdag na kaalaman hindi lamang sa mga Binmalenian kundi maging sa mga residente ng karatig-bayan.










