Walang munang competitive sports tournaments na popondohan, o isasagawa sa pangunguna ng Sangguniang Kabataan Federation sa Calasiao, Pangasinan sa susunona na taong 2027.
Ito ay matapos na unanimous o nagkakaisang aprubahan ng mga SK Chairperson ng bayan ang Resolution No. 1, Series of 2026 na nagtatakda ng mandatory suspension ng lahat ng sports tournaments na inoorganisa, pinopondohan at iniisponsor ng SK Federation.
Binigyang linaw ni SK Federation President Narayana Rsi Das Mesina, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan na ang nasabing hakbang ay hindi ibig sabihin ay anti sports sila o pinagbabawalan ang sports kundi upang pangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng mga kabataan sa harap ng inaasahang epekto ng El Niño at matinding init ng panahon.
Kung kayat hinihikayat ang mga kabataan na mag ingat sa matinding sikat ng araw. Kahit covered court ay iba pa rin ang hangin na pumapasok.
Bilang SK ederation president, naniniwala siya na malaki ang kontribusyon ng sports sa disiplina at kalusugan ng mga kabataan dahil nalalayo sila sa masamang bisyo. Pero responsibilidd nilang unahin ang kaligtasan ng mga ito.
Kamakailan ay pormal nang ipinadala ni Mesina sa Sangguniang Bayan ng Calasiao ang naturang resolusyon upang pag-aralan at gumawa ng kaukolang ordinansa.
Iminumungkahi rin ng SK Federation na palawakin ang suspensiyon upang masaklaw maging ang mga sports tournament na inoorganisa ng mga barangay SK at mga pribadong grupo sa buong bayan.
Gayunman, nilinaw ng SK Federation na hindi nangangahulugan ang hakbang na tuluyan nang ititigil ang pagpapaunlad ng sports sa mga kabataan.
Maari pa ring ipagpatuloy ang mga non-competitive training, physical fitness at wellness activities, basta’t nasusunod ang mga pamantayan para sa kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Sa halip na mga palaro, higit na pagtutuunan ng SK Federation sa 2027 ang mga programang pangkalusugan, edukasyon, kabuhayan, social inclusion, kapayapaan at seguridad, mabuting pamamahala, aktibong pakikilahok ng mamamayan, agrikultura, kalikasan at global mobility.
Samantala, binigyang-diin ng pederasyon na mas malawak ang tungkulin ng Sangguniang Kabataan kaysa sa pag-oorganisa lamang ng mga palaro, dahil kabilang din dito ang pangmatagalan at inklusibong pagpapaunlad sa kabataan.
Hinimok niya ang mga SK chairperson na mag isip ng ibang programa na makakatulong sa mga kabataan.










