Dagupan City – Puwedeng pagsamahin ng barkada, pamilya, o magkaka-opisina ang kanilang ipon para magtayo ng negosyo.
Sa ilalim ng Barkada Franchise Financing o BFF ng Pag-IBIG Fund, puwedeng humiram ang isang grupo ng hanggang ninety percent ng kanilang savings para gamitin bilang puhunan sa negosyo.
Ayon kay Jacky Constantino, Acting Vice President for Luzon ng Pag-IBIG Fund, ang BFF ay isang innovation ng Multi-Purpose Loan na purposely for business.
Hindi ito gaya ng ordinaryong loan. Sa BFF, sa simula pa lang ay guided na ang mga miyembro — alam na nila kung anong negosyo ang itatayo at kung bagay ito sa kanilang lugar.
Dito sa Pangasinan, labing-isang magkaka-opisina ang nagsama-sama at nag-pool ng kanilang loan para makuha ang franchise ng isang ramen shop, ang Yummy Tokyo, na partner ng Pag-IBIG kaya may discount sa franchise fee at sa mga produkto.
Sa ngayon, umabot na sa labintatlo ang BFF sa Ilocos Region, at pito dito ay nasa Pangasinan. Hindi lang ramen ang puwede. Puwede rin ang tindahan, ice making, at iba pang negosyo, depende sa pangangailangan ng lugar. Minimum of three ang kailangang magsama-sama para makabuo ng barkada, at walang maximum.
Simple lang din ang qualification: Kailangan lang na nakapag-save sa Pag-IBIG ng at least labindalawang buwan at kahit humiram, hindi ginagalaw ang ipon ng miyembro.
Nananatili ito at kumikita pa rin taon-taon. Noong nakaraang taon, six point sixty-two percent ang dividend rate ng regular savings, at tax-free pa ito.
Ayon kay Constantino, layon ng BFF na tulungan ang mga miyembro na magtayo ng sariling negosyo at maghanda para sa kinabukasan, dahil hindi habang-buhay ay kayang magtrabaho o maging empleyado.
Ginagabayan din aniya ang mga miyembro mula sa pagpili ng negosyo hanggang sa pag-monitor pagkatapos itong maitayo.










