Tinutulan ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kahilingan ng prosekusyon na isama bilang ebidensiya ang isang expert report sa kinakaharap niyang kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).

Sa mosyong inihain noong Oktubre 30 at inilabas nitong Nobyembre 6, hiniling ni defense lawyer Peter Haynes sa ICC Trial Chamber III na ibasura ang aplikasyon ng prosekusyon dahil huli umano nitong isinumite ang ulat at hindi humingi ng pahintulot na idagdag ito sa listahan ng mga ebidensiya.

Ayon sa depensa, maaari itong makaapekto sa paghahanda ni Duterte sa paglilitis.

Kinuwestiyon din nito ang pagsasama ng 15 kaugnay na dokumento, kabilang ang dalawang pag-aaral na hindi umano sapat na naipaliwanag ng testigong naghanda ng ulat.

Samantala, nagsumite ang Office of the Prosecutor noong Nobyembre 6 ng updated list ng mga testigo, kabilang ang mga posibleng magbigay ng testimonya sa pamamagitan ng audio-video link.

Hindi inilabas sa publiko ang kanilang mga pangalan at bilang dahil sa sensitibong impormasyon.

Nakatakdang magsimula ang paglilitis kay Duterte sa Nobyembre 30 sa The Hague, Netherlands. Nahaharap siya sa tatlong bilang ng crimes against humanity na may kaugnayan sa umano’y pagpatay at tangkang pagpatay sa ilalim ng kampanya kontra ilegal na droga.

--Ads--