Dagupan City – Nagsagawa ng Oplan Bandillo ang mga tauhan ng Lingayen Police Station sa Lingayen Public Market upang paigtingin ang kampanya sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa mga pampublikong lugar.
Isinagawa ang aktibidad sa ilalim ng direktang superbisyon ni PLTCOL Junmar C. Gonzales, Chief of Police ng Lingayen PNP, bilang bahagi ng patuloy na programa ng himpilan sa pagpapalawak ng kaalaman ng publiko tungkol sa pag-iwas sa krimen.
Sa pamamagitan ng mga pampublikong anunsiyo at direktang pakikipag-ugnayan, pinaalalahanan ang mga tindero, mamimili at iba pang mamamayan hinggil sa mahahalagang hakbang sa crime prevention, mga umiiral na lokal na ordinansa at mga alituntunin para sa kaligtasan.
Layunin din ng kampanya na mapanatili ang seguridad sa loob at paligid ng pamilihan at mahikayat ang publiko na maging mapagmatyag at aktibong makipagtulungan sa kapulisan.
Patuloy namang isinusulong ng Lingayen PNP ang mga programang naglalayong palakasin ang ugnayan ng kapulisan at komunidad upang mapanatili ang ligtas at maayos na kapaligiran sa bayan.










