Pinagtitibay ng lokal na pamahalaan ng Lingayen ang koordinasyon sa sektor ng negosyo at mga alagad ng batas upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan at seguridad sa bayan kasabay ng patuloy na pag-unlad ng mga establisimyento rito.

Ayon kay Gabriel Cornel, DILG Municipal Head ng Lingayen, mahalaga ang pagsasagawa ng multisectoral summit upang makabuo ng mga protocol at mekanismo na tutugon sa mga usapin hinggil sa seguridad at kaayusan, partikular na sa lumalawak na aktibidad ng negosyo.

Aniya, kasabay ng pagdami ng mga negosyo ay ang pagtaas din ng daloy ng mga sasakyan at posibleng pagsisikip ng trapiko, kaya nais ng pamahalaang bayan na maiwasan ang mga reklamo ng mga residente at bisita kaugnay nito.

--Ads--

Sa pamamagitan ng naturang pagtitipon, nabibigyan ng pagkakataon ang mga kinatawan ng business sector na magbahagi ng kanilang mga mungkahi at suliranin na maaaring maging batayan ng mga programang ipatutupad ng lokal na pamahalaan.

Mahalaga rin ang direktang koordinasyon ng Philippine National Police (PNP) sa mga establisimyento upang mas mabilis na matugunan ang anumang problemang may kinalaman sa seguridad at kapayapaan.

Nagpasalamat naman si Cornel kay Mayora Josefina Iday Castañeda sa patuloy na suporta at pakikiisa sa mga programa ng PNP, Bureau of Fire Protection (BFP) at Department of the Interior and Local Government (DILG).

Binigyang-diin niya na ang suporta ng alkalde sa mga programa ng mga ahensya ay mahalaga upang maisulong ang mga hakbang na naglalayong mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng publiko sa Lingayen.