Nanawagan ang League of Filipino Students (LFS) ng pagtutol sa pagbisita ni United States President Donald Trump sa Pilipinas at sa posibleng paglagda sa Pax Silica Framework, na ayon sa grupo ay maaaring magdulot ng displacement at panganib sa kabuhayan at likas na yaman ng mga komunidad, partikular ng mga katutubong Aeta sa Capas, Tarlac.

Sa panayam, sinabi ni Belle Espiritu, National Vice Chairperson ng LFS, na pangunahing panawagan ng grupo ang “Trump Out, Reject Pax Silica” dahil sa umano’y pagsusulong ng mga patakarang higit na pumapabor sa interes ng Estados Unidos kaysa sa mamamayang Pilipino.

Kabilang sa kanilang mga ikinababahala ang paggamit umano sa Pilipinas bilang base militar, epekto ng tensiyon sa Middle East sa presyo ng langis, at malaking pangangailangan ng Pax Silica sa tubig, lupa, at iba pang likas na yaman para sa mga planong AI data hub.

Ibinahagi ni Espiritu na kamakailan ay bumisita ang kanilang grupo sa Sitio Manabayukan, isa sa mga komunidad na posibleng maapektuhan ng proyekto.

Ayon sa kaniya, nangangamba ang mga residente na maapektuhan ang kanilang pinagkukunan ng tubig, na nagmumula lamang sa mga bukal.

Posible rin umanong maapektuhan ang mga ito ng konstruksyon ng mga kalsada at malaking konsumo ng tubig ng mga planong pasilidad.

Kinuwestiyon din niya ang umano’y kakulangan ng konsultasyon mula sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP). Aniya, nalaman na lamang ng ilang residente ang tungkol sa proyekto nang puntahan sila ng media.

Giit niya, hindi makatarungang isakripisyo ang mga lupain, pinagkukunan ng tubig, at kabuhayan ng mga komunidad kapalit ng mga trabahong hindi tiyak kung magbibigay ng nakabubuhay na sahod.

Sa halip, hinimok niya ang pamahalaan na higit na pagtuunan ng pansin ang pagpapalakas sa pambansang industriya at paglikha ng disenteng trabaho para sa mga Pilipino.