Itinaas na sa full alert status ang buong Police Regional Office 1 (PRO-1) simula alas-12:01 ng madaling araw nitong Oktubre 30 hanggang alas-12:01 ng madaling araw sa Nobyembre 3, bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga tao sa mga sementeryo ngayong Undas 2026.

Ayon kay Police Regional Office 1 Public Information Officer Cherry Tolentino, nasa kabuuang 6,181 pulis ang ide-deploy sa buong Ilocos Region, katuwang ang 1,063 tauhan mula sa iba pang law enforcement agencies at 6,532 force multipliers.

Samantala, nasa 426 na sementeryo, memorial park at columbaria sa rehiyon ang babantayan mula sa 4 na lalawigan ng mga nakatalagang kapulisan upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng mga mamamayang dadalaw sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

--Ads--

Bukod dito, maglalagay rin ng mga pulis sa mga pangunahing lansangan, tourist destinations, malls, simbahan at iba pang lugar na inaasahang dadagsain ng publiko.

Magpapatuloy rin ang mga checkpoint at police operations upang maiwasan ang anumang krimen at iba pang insidente.

Tiniyak naman ni Tolentino na sa kasalukuyan ay nananatiling generally peaceful ang buong rehiyon at wala silang namomonitor na anumang banta sa seguridad.

Pinayuhan din ang publiko na sumunod sa mga ipinatutupad na panuntunan sa mga sementeryo, kabilang ang pagbabawal sa pagdadala ng mga nakamamatay na armas, alak at malalakas na speaker.

Samantala, binigyang-diin nito na kung may emergency ay maaari namang tumawag sa kanilang unified 911 hotline upang agad na matugunan ng mga otoridad.