Hindi nakagawian sa Thailand ang pagdiriwang ng Undas gaya sa Pilipinas, habang nananatiling bahagi naman ng kanilang kultura ang paniniwala sa mga espiritu.

Ito ang naging pahayag ni Rinse Galupo, Bombo International News Correspondent sa Thailand, sa kaniiyang panayam hinggil sa matagal nang tradisyon sa pagdaraos ng Undas sa Pilipinas.

Ayon kay Galupo, ang nasabing pagkakaiba sa dalawang bansa ay dahil malaking porsyento sa populasyon ng Thailand ay sumusnod sa relihiyong Buddhisma at ibang paraan umano ang mga ito sa paggunita sa mga yumao.

--Ads--

Kaugnay nito, hindi umano karaniwan sa bansa ang pag-uwi ng mga pamilya upang dumalaw sa sementeryo sa nakatakdang araw dahil sa halip na ilibing ay sinusunog ang mga labi ng mga yumano at inilalagak sa mga templo na malapit sa kanilang lugar.

Bagama’t mayroong pagdiriwang ng Ghost Festival sa bansa, hindi umano ito nakatalaga para sa paggunita sa mga patay dahil mas sumasalamin ito sa paniniwala ng mga mamamayan sa mga espiritu.

Samantala, isinasagawa naman ng mga Katoliko sa nasabing bansa ang pag-aalay ng panalangin bago ang proseso ng cremation o ang pagsusunog sa bangkay.

Bahagi rin ng kultura sa Thailand ang paglalagay ng tinatawag na spirit house sa bawat tahanan kung saan inilalagay ang mga alay na inumin at pagkain bilang pagpapahalaga sa mga espiritung pinaniniwalaang naninirahan sa lupa at mga yumanong miyembro ng kanilang pamilya.

Gayunman, pinaalalahanan naman ni Galupo ang mga kababayang Pilipino na mag-ingat at tiyaking ligtas ang pagbisita sa mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay at panatilihing balanse ang gastos sa paggunita ng nasabing pagdiriwang dahil sa patuloy na pagmahal ng mga bilihin sa bansa.