Animnapu’t walo na ang kumpirmadong nasawi sa salpukan ng dalawang tren sa Spain, habang nagpapatuloy ang search, rescue, at retrieval operations ng mga awtoridad upang matukoy ang iba pang posibleng biktima ng aksidente.
Sa ulat ni Eva Tinaza, Bombo International News Correspondent sa Spain, isa sa mga tren ang patungo sana sa Toledo mula Madrid at malapit nang makarating sa estasyon nang mangyari ang insidente. Naganap ang salpukan sa isang lugar na malayo sa mga kabahayan at napalilibutan ng mga bukirin at taniman ng olibo.
Gumamit pa ng helicopter ang mga awtoridad sa pagsasagawa ng rescue at retrieval operations. Dahil sa lakas ng banggaan, tumilapon umano ang ilan sa mga biktima, habang may iba pang naipit at nadaganan na nagpapahirap sa retrieval operations.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang tunay na sanhi ng aksidente, kabilang ang mga ulat na posibleng may kaugnayan ito sa bilis ng mga tren at teknikal na aberya. Nagdudulot din ito ng pangamba sa publiko, lalo’t may naitala umanong kaparehong insidente ilang buwan lamang ang nakalipas.
Dahil sa aksidente, sinuspinde at kinansela ang mga biyahe ng tren sa rutang Toledo hanggang Seville. Ayon kay Tinaza, limitado ang rutang maaaring gamitin kaya naapektuhan ang operasyon ng mga tren sa lugar.
Samantala, wala pang kumpirmasyon kung may mga Pilipinong nasangkot sa insidente. Hindi pa rin inilalabas ang pormal na konklusyon ng imbestigasyon habang nagpapatuloy ang pag-alam sa kabuuang bilang ng mga nasawi at iba pang detalye ng aksidente.
Dahil sa sunod-sunod na insidente, nangangamba na rin umano ang ilang residente sa Spain sa paggamit ng tren bilang transportasyon. Gayunman, maaari pa ring gumamit ng mga bus at pribadong sasakyan bilang alternatibong paraan ng paglalakbay.










