Tinuruan ang mga guro mula sa Balngit-Constantino Elementary School at Doyong Centro Elementary School sa Calasiao, Pangasinan kung paano makikilala at matutugunan ang mga posibleng banta sa paaralan, kabilang ang mga banta na maaaring magmula sa online o digital na mundo.

Isinagawa ang lecture ni Police Lieutenant Colonel Daryl V. Nevado, officer-in-charge ng Calasiao Municipal Police Station, sa ilalim ng programang “Teacher Mo, Detective Ko” at School Digital Safety and Early Threat Detection Program.

Layunin ng aktibidad na dagdagan ang kaalaman ng mga guro tungkol sa mga senyales ng posibleng banta at kung paano ito agad maipapaabot sa kinauukulan.

--Ads--

Binigyang-diin din ang kahalagahan ng pagiging mapagmatyag, lalo na sa mga insidenteng maaaring mangyari sa digital platforms, at ang maagap na pag-uulat kapag may napansing kahina-hinalang kilos o sitwasyon.

Sa pamamagitan nito, inaasahang mas magiging handa ang mga guro sa pagtukoy at pagtugon sa mga posibleng problema upang mapanatili ang kaligtasan ng mga mag-aaral at ng buong paaralan.