Ikinalugod ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) ang muling pagkakatalaga kay Vince Dizon bilang kalihim ng Department of Transportation (DOTr), mula sa dati nitong posisyon bilang kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Liberty De Luna ng ACTO, naging maayos ang pamamalakad ni Dizon noong una itong namuno sa DOTr. Aniya, tumutugon ang kalihim sa mga hinaing at pangangailangan ng mga nasa sektor ng transportasyon, kaya umaasa siyang maipagpapatuloy nito ang mga nasimulang programa at maisasaayos pa ang pamamalakad ng kagawaran.
Iminungkahi rin ni De Luna na isulong ang paggawa at pag-assemble ng mga sasakyang ginagamit sa pampublikong transportasyon sa loob mismo ng bansa. Aniya, kinakailangang magkaroon ng institusyong mangangasiwa sa lokal na produksiyon ng mga pampublikong sasakyan upang makalikha ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino at magkaroon ng mas abot-kayang alternatibo sa mga imported na sasakyan.
Umaasa rin ang ACTO na makapagsasagawa ng pagpupulong sa pagitan ni Dizon at ng mga kinatawan ng sektor ng transportasyon upang maipabatid sa kalihim ang kasalukuyang kalagayan ng mga operator at iba pang sektor na umaasa sa pampublikong transportasyon, gayundin ang kanilang mga hinaing at mungkahing solusyon.










