Pinaiigting ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Pangasinan ang paghahanda ng mga lokal na pamahalaan sa posibleng epekto ng El Niño, kabilang ang mga banta sa suplay ng pagkain at tubig, kalusugan, agrikultura at enerhiya sa lalawigan.

Ayon kay Vincent Chiu, Operations Supervisor ng PDRRMO Pangasinan, naglabas na ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) noong Mayo ng Memorandum No. 5, Series of 2026, na nagtatakda ng mga hakbang sa paghahanda ng mga LGU. Alinsunod ito sa advisory ng Department of the Interior and Local Government (DILG) noong Marso hinggil sa mitigation at preparedness para sa El Niño phenomenon.

Kabilang sa mga tinututukan ang seguridad sa suplay ng pagkain, pangangalaga sa kalusugan, konserbasyon ng tubig, pagkonsumo ng enerhiya at paghahanda sa sektor ng agrikultura. Tiniyak naman ni Chiu na handang magbigay ng tulong ang pamahalaang panlalawigan sa mga sektor na posibleng maapektuhan ng naturang kondisyon.

--Ads--

Nasa mahigpit na koordinasyon na rin umano ang Provincial Agriculture sector sa National Irrigation Administration (NIA) at sa San Roque Power Corporation (SRPC) upang matukoy ang mga lugar na bulnerable sa epekto ng El Niño at ang mga kinakailangang tulong ng mga ito. Tinatayang nasa 30,000 magsasaka at 15,000 mangingisda ang posibleng maapektuhan, kaya kabilang sa mga planong hakbang ang pamamahagi ng hybrid seeds upang mapabilis ang panahon ng pag-aani.

Sa sektor naman ng kalusugan, nakahanda ang mga kinakailangang emergency medication sa mga provincial health unit. Nakahanda rin ang mga uniformed personnel na umalalay sa mga operasyon, habang nakaalerto ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa posibilidad ng paglitaw ng mga grass fire dahil sa mainit at tuyong panahon.

Sa kabila ng mga paghahanda sa El Niño, hindi rin isinasantabi ng PDRRMO ang posibilidad ng mas malalakas na bagyo. Tiniyak ni Chiu na nakahanda ang mga tanggapan ng pamahalaang panlalawigan na tumugon sa mga posibleng kalamidad at pangangailangan ng mga mamamayan.