Nananatiling sapat at maayos ang suplay ng dugo sa lalawigan ng Pangasinan sa kabila ng nararanasang mainit na panahon at sa paghahanda para sa nalalapit na holiday season.

Ito ang tiniyak ni Krismar Glen Brillantes, Officer-in-Charge ng Philippine Red Cross (PRC) Pangasinan Chapter.

Ayon sa kaniya, tuloy-tuloy ang ginagawang blood donation activities sa buong lalawigan sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang grupo, paaralan, at mga lokal na pamahalaan.

--Ads--

Upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng mga nagnanais mag-donate sa gitna ng tag-init, sinisigurado ng PRC na ang mga venue para sa pagkuha ng dugo ay air-conditioned, malamig, at may sapat na espasyo.

Aniya, tinitiyak ng kanilang mga medical technologist na namai-maintain ang tamang temperatura ng dugo at ng frozen plasma (na nakatago sa ultra-low freezer) habang nakaimbak at itinabi o itinatransport ang mga ito.

Ayon sa kaniya, mahigpit ang monitoring ng kanilang mga pasilidad upang makatugon agad kapag may pangangailangan ang mga pasyente sa mga ospital.

Bagamat stable ang supply sa kasalukuyan dahil sa pagbabalik ng klase sa mga paaralan at aktibong pakikilahok ng mga civil society group, nagpaalala ang opisyal na hindi dapat magkampante ang publiko.

Maaga na ring nagpaplano ang PRC Pangasinan kasama ang kanilang mga staff at volunteers sa mga barangay upang makipag-ugnayan sa mga target na organisasyon at Local Government Units (LGUs).

Layunin nitong magkaroon ng sapat na nakaimbak na dugo pagdating ng buwan ng Disyembre kung kailan karaniwang tumataas ang demand tuwing holiday season.

Ipinaliwanag ni Brillantes na bagamat Type O Positive ang pinakakaraniwang blood type sa populasyon kasunod ang Type B, Type A, at Type AB Positive ngunit nagbabago-bago pa rin ang demand sa mga ospital depende sa pangangailangan ng mga pasyente.

Dahil dito, bukas ang Red Cross sa lahat ng uri ng blood type na nais mag-donate.

Dahil dito, Inaanyayahan ng PRC ang lahat ng mga kwalipikadong mamamayan na makilahok sa mga mobile blood donation drive sa kanilang mga bayan o pumunta sa pinakamalapit na PRC branch sa Dagupan City, San Carlos City, at Urdaneta City.