Dagupan City – Patuloy na naghahanap ang City Government of San Carlos ng mga paraan upang mapalawak ang paggamit ng kawayan para sa kabuhayan at iba pang mga lokal na negosyo.
Lumahok ang mga kinatawan ng lungsod sa isang information at education campaign tungkol sa tamang paggamit at pag-aalaga ng kawayan, circular economy, at mga bagong teknolohiya sa Loakan, Baguio City.
Kinatawan ang San Carlos ng City Cooperative, Entrepreneurship and Livelihood Development Office o CCELDO at City Agriculture Office.
Sa aktibidad, pinag-aralan ang mga bagong paraan ng pagpaparami, pagpapalaki, at pagproseso ng kawayan, pati na rin ang mga posibilidad na magamit ito bilang dagdag na pagkakakitaan ng mga komunidad.
Bumisita rin ang mga kalahok sa isang bamboo nursery at processing facility upang makita mismo kung paano pinapalaki at pinoproseso ang kawayan at kung paano ito maaaring gawing iba’t ibang produkto.
Sa pamamagitan ng mga ganitong aktibidad, layon ng pamahalaang lungsod na matuto ng mga bagong paraan na maaaring gamitin sa paglikha ng kabuhayan at pagtulong sa mga lokal na negosyo, habang pinangangalagaan ang kapaligiran.










