Dagupan City – Nakiisa ang mga tauhan ng Sta. Barbara Municipal Police Station sa isang tree planting activity sa Barangay Patayak, Sta. Barbara, Pangasinan bilang bahagi ng mga community-based activity para sa Cooperative Month 2026.
Pinangunahan ni Police Captain Teoderick Tagulao, PCAD Officer at Duty Officer, ang mga tauhan ng pulisya sa ilalim ng direktang pangangasiwa ni Police Lieutenant Colonel Michael S. Datuin, hepe ng Sta. Barbara Police Station.
Nakibahagi rin sa aktibidad ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection na pinamumunuan ni Fire Senior Inspector Gian Loreine U. Galano, Municipal Fire Marshal, kasama ang Municipal Cooperatives Development Office o MCDO at mga opisyal ng Barangay Patayak.
Layunin ng aktibidad na mapalakas ang ugnayan ng mga law enforcement agency at ng komunidad, kasabay ng pagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan.
Pinangunahan ang nasabing aktibidad ng Municipal Cooperatives Development Office at Municipal Cooperative Development Council bilang bahagi ng kanilang mga community engagement ngayong Cooperative Month.
Sa pamamagitan ng mga ganitong aktibidad, naipapakita ang sama-samang pagkilos ng mga ahensya ng pamahalaan at komunidad para sa pangangalaga ng kapaligiran at pagpapaunlad ng barangay.
Bahagi rin ito ng patuloy na pagsisikap ng Sta. Barbara Municipal Police Station na makiisa sa mga programang nakatuon sa serbisyong publiko, pangangalaga sa kalikasan, at pagpapaunlad ng komunidad.










