
Nakapagtala ang Regional Cybercrime Unit 12 (RCU 12) ng 91 kaso ng online threats sa buong rehiyon mula Hulyo 1 hanggang Oktubre 3, 2026.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay PMAJ Mark Gerald Norbe, Chief of Police Operations ng RCU 12, kinumpirma niyang 51 sa mga naitalang kaso ay kinasasangkutan ng mga menor de edad.
Sa kabuuang bilang, walong nasa hustong gulang ang naaresto, 60 kaso ang naresolba at may mga biktimang nasagip, habang 31 kaso pa ang patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad.
Ayon kay Norbe, patuloy ang kanilang yunit sa pagsubaybay at pagsusuri sa mga digital footprint sa social media upang matukoy ang mga responsable sa mga pagbabanta sa online platforms.
Binigyang-diin din ng opisyal ang kahalagahan ng maagap na pag-monitor at masusing imbestigasyon upang makilala ang mga suspek at maprotektahan ang mga posibleng maging biktima.






