Dagupan City – Maaaring may kaugnayan ang kakulangan sa social-emotional regulation at digital literacy sa pagdami ng mga insidente ng online threats, lalo na sa hanay ng mga kabataan.

Ayon kay Dr. Beverly Fernandez, Presidente ng Philippine Guidance and Counseling Association–Pangasinan Chapter, mas nalalantad na ngayon ang mga kabataan sa social media kaysa sa aktuwal na pakikipag-ugnayan sa kanilang mga kapwa.

Dahil dito, mas malaki ang impluwensiya ng online environment sa kanilang pag-uugali at paraan ng pakikipagkomunikasyon.

--Ads--

Aniya, kaya naman may ilang pribadong paaralan na nagpapatupad ng pagbabawal sa paggamit ng cellphone habang oras ng klase upang mabawasan ang labis na exposure ng mga estudyante sa social media.

Ipinaliwanag din ni Fernandez ang tinatawag na online disinhibition effect, kung saan mas nagiging malaya ang isang tao sa pagsasabi o paggawa ng mga bagay na hindi niya karaniwang ginagawa sa personal na pakikipag-usap.

Dahil hindi nakikita ang kausap sa online, aniya, nababawasan ang pakiramdam ng hiya at malasakit sa kapwa—mga pagpapahalagang malalim na nakaugat sa kulturang Pilipino.

Dagdag pa niya, hindi agad nakikita ng isang tao ang epekto ng kanyang mga sinasabi o ipinapahayag sa social media kaya mas madaling mawala ang pagpipigil sa sarili.

Binigyang-diin din ni Fernandez ang kahalagahan ng digital literacy, lalo na sa panahon kung saan maraming content creator at influencers ang gumagamit ng social media sa pagpapakalat ng impormasyon.

Aniya, mahalagang maturuan ang mga kabataan kung paano maging responsable at mapanuri sa paggamit ng mga digital platform.

Kasabay nito, iginiit niya ang mahalagang papel ng mga magulang at iba pang nakatatanda sa pagbibigay ng sapat na adult supervision upang magabayan ang mga kabataan sa tamang paggamit ng social media at maiwasan ang mga insidenteng may kaugnayan sa online threats.

Ipinaliwanag din ni Fernandez ang tinatawag na second-hand trauma, kung saan maaaring makaranas ng matinding takot, pagkabalisa, at emosyonal na stress ang isang tao kahit hindi siya direktang sangkot sa isang insidente, basta’t paulit-ulit siyang nalalantad sa mararahas o nakaaalarmang nilalaman sa internet.

Samantala, sinabi ni Fernandez na malaki ang maaaring maging psychological effect ng mga online threat hindi lamang sa mga estudyanteng nakakabasa nito kundi maging sa mga magulang at guro. Maaari aniyang magdulot ito ng matinding takot, pagkabalisa, pagkawala ng pakiramdam ng seguridad, at pag-aalala sa kaligtasan ng mga mag-aaral.

Para naman sa mga gumagawa ng online threats, sinabi niyang mahalagang mabigyan sila ng tamang psychological assessment at intervention upang matukoy ang mga pinagmumulan ng kanilang pag-uugali at mabigyan ng nararapat na gabay at suporta.