
Puspusan na ang paghahanda ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan sa harap ng nagbabadyang matinding epekto ng El Niño phenomenon.
Kung saan ay agad na nakipag-ugnayan ang probinsya sa Department of Education (DepEd) at iba pang mahahalagang clusters upang bumuo ng komprehensibong plano.
Ayon kay Atty. Manuel Luis Jr., ang Provincial Administrator ng Pangasinan, ipinatawag ang mga kinatawan ng DepEd at iba’t ibang clusters upang detalyadong ilatag ang posibleng epekto ng El Niño sa lalawigan.
Partikular na tinututukan aniya ang malaking banta nito sa agriculture sector at fisheries, na siyang pangunahing kabuhayan ng maraming Pangasinense.
Binigyan ang bawat ahensya ng malinaw na mandato na maghanda at gumawa ng mga hakbang upang mabawasan ang negatibong impact ng El Niño sa komunidad.
Mayroon nang mga inisyatibong isinagawa bilang pagsunod sa direktiba ng Gobernador, na nagpapakita ng proaktibong pamamahala sa krisis.
Inaasahan ang muling pagdaraos ng mga pulong upang masiguro ang tuloy-tuloy at epektibong pagpapatupad ng mga plano at aksyon.
Kaugnay nito, inaasahan na rin ang posibleng pagsuspinde ng klase, kung kaya’t binibigyan ng awtoridad ang mga lokal na pamunuan na magdesisyon batay sa sitwasyon sa kanilang lugar.
Paliwanag ni Atty. Luis Jr., mahirap na i-generalize ang suspensyon ng klase sa buong probinsya dahil magkakaiba ang antas ng epekto ng El Niño sa bawat munisipalidad.
Kaya naman, mahalaga aniyang i-exercise ng mga lokal na awtoridad ang kanilang kapangyarihan upang makapagbigay ng angkop na desisyon para sa kaligtasan ng mga mag-aaral.
Sa usapin ng pondo naman aniya, may mga inilaan na ang probinsya at ang mga LGUs, na sinusuportahan din ng mga national agencies, upang mas maging malakas ang implementasyon ng mga programa.
Ang pagtutulungan at pag-harmonize ng mga resources mula sa iba’t ibang antas ng pamahalaan ay susi upang mas maging matagumpay ang pagharap sa hamon ng El Niño.









