Hindi umano titigil ang grupong Rise Up for Life and for Rights sa paghahanap ng hustisya para sa mga biktima ng kampanya kontra droga, kahit abutin pa ng isang dekada ang proseso upang mapanagot ang mga itinuturong responsable sa mga paglabag sa karapatang pantao.
Ayon kay Rubilyn Litao, coordinator ng grupo, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga biktima at kanilang mga pamilya habang naghahanda para sa nalalapit na paglilitis sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Tinutukan din umano ng grupo ang status conference sa paglilitis ng dating pangulo, kasabay ng paghahanda ng mga pamilya ng mga biktima para sa inaasahang pagsisimula ng trial sa Nobyembre 30.
Kabilang din sa kanilang mga paghahanda ang planong pagpunta sa The Hague, Netherlands, gayundin ang pagsasagawa ng iba’t ibang aktibidad sa Pilipinas upang patuloy na igiit ang pananagutan para sa mga biktima ng war on drugs.
Umaasa rin ang grupo na haharap si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa warrant na inilabas ng ICC. Sakaling magkaroon ng pagkakataon, sisikapin din nilang maiharap sa korte ang mga testimonya ng mga kapamilya ng mga biktima.
Samantala, sinabi ni Litao na inaasahan nilang sisikapin ng prosekusyon na maayos ang mga dokumentong kailangan para sa paglilitis, habang patuloy umano ang mga hakbang ng depensa na nakaaantala sa proseso.
Sa kabila nito, iginiit ng grupo na hindi magiging hadlang ang tagal ng proseso sa kanilang paninindigan na makamit ang hustisya at mapanagot ang mga sangkot sa madugong kampanya kontra droga.
Para sa Rise Up for Life and for Rights, hindi dapat manaig ang paglipas ng panahon sa paghahanap ng katarungan para sa mga biktima at kanilang mga pamilya.










