Nasawi ang dalawang sakay ng motorsiklo matapos mabundol ng isang bus ng sa kahabaan ng National Road sa Barangay Del Rosario, Umingan, Pangasinan, dakong alas-otso ng gabi noong Oktubre 12.
Ayon kay Police Major Jimmy Paningbatan, hepe ng Umingan Municipal Police Station, nagtamo ng mga pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang dalawang biktima na nasa edad 43 at 52, na kapwa idineklarang patay.
Batay sa paunang impormasyon, patungong Cagayan mula Maynila ang bus na may sakay na mga pasahero, habang pauwi naman sa Barangay Flores ang motorsiklo nang mangyari ang aksidente.
Ayon kay Paningbatan, posibleng nakuha ng bus ang linya ng motorsiklo habang paliko ito. Nabatid din na wala umanong ilaw ang motorsiklo ng mga biktima, habang madilim naman ang lugar na pinangyarihan ng aksidente.
Walang naiulat na nasaktan sa mga sakay ng bus, habang negatibo naman sa alcohol ang driver nito. Hindi na rin umano nagsampa ng kaso ang pamilya ng mga nasawi.
Samantala, kinilala ng pulisya ang lugar bilang accident-prone area. Sa kabuuan, sampung aksidente na ang naitala sa bayan ng Umingan, kung saan apat na ang nasawi.
Patuloy namang ipinapatupad ng pulisya ang mga ordinansa hinggil sa pagsusuot ng reflective vest at helmet, gayundin ang pagkakaroon ng lisensiya, upang maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.










