Itinampok ng artist na si Paolo Carolino mula sa Anda, Pangasinan ang kagandahan ng kababaihan sa pamamagitan ng isang likhang-disenyo na sumasalamin sa sariling pagkakakilanlan at kakayahan ng mga babae na ipahayag ang kanilang sarili.

Ayon sa paglalahad ni Carolino, halos dalawang buwan niyang inilaan upang matapos ang kaniyang obra. Nagsimula ang kaniyang karanasan sa pagsali sa paggawa ng mga poster hanggang sa matuklasan niya na nais niyang ipagpatuloy ang paglikha ng mga disenyong may mas malalim na pagpapahayag.

Una niyang sinubukan ang larangan ng fine arts, subalit hindi ito ang naging angkop na direksiyon para sa kaniya. Kalaunan, natagpuan niya ang kaniyang interes at kakayahan sa fashion design, na naging daan upang maipakita niya ang kaniyang pagkamalikhain sa ibang paraan.

--Ads--

Sa kabila ng mga hamon sa pagpapatuloy ng karera sa sining, nananatili si Carolino sa larangang kaniyang pinili. Para sa kaniya, mahalagang magkaroon ng pagkakataong maipakita at maibahagi sa publiko ang sariling mga likha, lalo na para sa mga artist na nais makilala ang kanilang talento.

Hinikayat din niya ang mga nagsisimula pa lamang sa sining na ipagpatuloy ang kanilang hilig at samantalahin ang mga pagkakataong makapagpakita ng kanilang mga obra.

Sa pamamagitan ng kaniyang likha, naipapakita ni Carolino na ang fashion design ay hindi lamang tungkol sa panlabas na anyo, kundi maaari ring maging paraan upang ipahayag ang kagandahan at pagkakakilanlan ng kababaihan.