Hinimok ni Philippine Red Cross Chairman Richard Gordon ang mga bansa sa ASEAN na mag-sagawa ng regular na joint disaster-response exercises at scenario planning upang matiyak ang mabilis na pagpapadala ng tulong sa oras ng kalamidad.
Sa kaniyang pananalita sa ASEAN High-Level Meeting ukol sa ASPECT Framework sa Maynila ngayong Huwebes, binigyang-diin ni Gordon na mahalagang magsanay nang sama-sama ang mga bansa bago pa man dumating ang anumang krisis.
Ipinalawanag niya na dapat magkaroon ng malinaw at nakahandang kasunduan ukol sa customs at mabilis na pagpasok ng mga humanitarian personnel, gamot, relief goods, at mga kagamitan sa mga pambansang hangganan.
Binigyang-diin ni Gordon na ang pangunahing layunin ng bawat kasaping bansa ay ang pagkakaroon ng isang organisado, mabilis, at nagkakaisang pagtugon sa panahon ng sakuna.
Inirekomenda rin ng pinuno ng PRC ang regular na diyalogo at simulation exercises sa pagitan ng mga ASEAN Red Cross at Red Crescent Societies upang masubok ang kakayahan ng bawat bansa sa pagtanggap at pagbibigay ng saklolo.
Muling iginiit ni Gordon na ang pagsasanay ay mahalagang bahagi ng paghahanda at ang kooperasyon sa rehiyon ay dapat na naipapatupad sa totoong buhay at hindi lamang nananatili bilang kasunduan sa papel.










