Binati ni Pangasinan Governor Ramon “Mon-Mon” Guico III ang Pangasinan Asinderos matapos makamit ng koponan ang Final appearance sa National Basketball League (NBL) Pilipinas.

Nagpasalamat ang gobernador sa coaching staff, mga organizers, at kay Rosales Mayor Liam Cesar sa kanilang suporta sa koponan.

Ayon kay Gov. Guico, hindi nila inaasahan na makakaharap ng Asinderos ang mga koponang championship-caliber, ngunit pinatunayan ng mga atleta na walang imposible basta’t may buong suporta mula sa lalawigan.

--Ads--

Ibinahagi rin ng gobernador na pinagkalooban ng probinsya ang mga atleta ng kanilang pangunahing pangangailangan upang mas maging handa sa kanilang laban.

Dahil dito, mas naging inspirado ang mga manlalaro, habang lalo namang nahikayat ang pamahalaang panlalawigan na palakasin pa ang suporta sa mga sports program at atleta.

Ayon kay Gov. Guico, bahagi ng kanyang commitment na mas pagbutihin pa ang suporta ng probinsya sa sports at sa mga atletang nagrerepresenta sa Pangasinan.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng tinatawag na “soft infrastructure” sa sports—kabilang ang mga coaches, commissioners, organizers at trainers—na aniya ay ilan sa pinakamahirap hanapin at kumbinsihing tumulong.

Tiniyak din ng gobernador na maglalaan ang probinsya ng bus para sa Pangasinan Asinderos upang makatulong sa kanilang pagbiyahe at mga susunod na laban.

Samantala, sinabi ni Gov. Guico na pakikiusapan niya ang Sangguniang Panlalawigan na magkaroon ng ordinansa para sa opisyal na branding ng “Asinderos” bilang pangalan ng mga koponang kumakatawan sa Pangasinan.